Ipinagdiwang noong nakaraang Agosto 19, 2017 ng Saint Paul Seminary ang inaantabayanan kada-taon sa lahat ng paaralan ang Buwan ng Wika. Ang tema ngayong taon na ito ayon sa Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ay "Filipino: Wikang Mapagbago" na nilahukan ng mga estudyante mula sa kani-kanilang paaralan gaya ng Far Eastern University - Cavite, Missionaries of Saint Francis de Sales at iba pang mga kalahok mula sa iba't-ibang lugar ng lalawigan ng Cavite.

Bilang panauhing tagapagsalita ng selebrasyon ng Buwan ng WIka ng Saint Paul Seminary, nagbahagi si Prof. Rica Ancheta, PhD, isang propesor sa Kolehiyo ng San Beda, ng kanyang kaalaman sa paksang: "Wikang Filipino at Teatro, Haligi ng Pagbabago." Sa kanyang talumpati, binigyang diin ni Prof. Ancheta ang kahalagahan ng paggamit ng sariling wika dahil ito ay nagdudulot ng mas mabuting pagkakakilanlan sa sarili ng isang lahi. Bukod dito, iginiit rin niya na ang paggamit ng sariling wika ay isang marka ng isang maaybong na kultura.

Nagkaroon ng iba't-ibang aktibidades gaya ng talumpati, patimpalak, eksibit ng mga aklat at marami pang iba na nagbigay kahalagahan sa wikang Filipino, tinalakay rin ang paggamit nito sa kasalukuyang panahon kasama na rin ang malaking hamon ng globalisasyon na nangangailangan ng paggamit ng isang wika na naiintindihan ng pangkalahatang komunidad o rehiyon at ang katotohanan na ang wikang Filipino ay patuloy na yumayaman dahil sa mga pagbabago sa ating lipunan.